Sa Mata ng Isang Ulila…

Masaya ang pamilya ko

Kahit na kapag tag-araw ay ‘di kami makatulog sa sobrang init 

Ng kuwadrong pinagsisiksikan naming magkakapatid

O kapag taglamig 

Na ‘di rin kami makatulog sa tila nagyeyelong sahig

O kung ang panahon ay sakto lang,

Kahit ang ilan sa amin ay pawisan,

Ang iba’y giniginawan,

Gigising pa rin nang nakangiti

Babangon na parang ‘di kami salat sa kumot o salapi

Masaya ang pamilya ko

Kahit na kapag isang Lucky me noodles lang

Ang paghahatian naming lahat sa hapag-kainan

Sasabawan nang marami ni Nanay

Habang taga paypay naman ng gatong at apoy si Tatay

O kapag ang kaning lamig

Ay parang nangangasim at nagtutubig

Isasalang, ipapainit ni Nanay

Habang taga paypay naman ng gatong at apoy si Tatay.

Kakainin pa rin at iisiping “Hmmm, ang sarap!”

Basta’t buong pamilya kaming magkakaharap.

Masaya ang pamilya ko

Bago ang araw na hindi na lang umuwi ang Tatay ko.

Akala ko nakahanap na siya ng trabaho

Kasi dati nawala din siya ng isang linggo

‘Yon pala, nagkarpintero.

Pag-uwi niya, “Mga anak, may dala akong letsong manok. Kumain na tayo!”

Pero lipas na ang isang linggo,

Isang buwan at isang timbang luha ni Nanay

Hindi na bumalik pa kahit kailan si Tatay. 

Sabi ng kapitbahay, “Na-tokhang si Gerry!”

Sabi ng isa pa, “Napagbintangan lang si Gerry!”

Sabi ko naman habang nagtatagis ang bagang,

“Bakit kailangang mamatay ng taong gusto lang umahon sa kahirapan?”

Masaya ang pamilya ko

Bago sinundan ng Nanay ko ang Tatay ko.

Akala ko ay magtatrabaho lang siya sa bayan

Na madalas niyang puntahan para sa pakikipagsapalaran

Simula nang mag-isa niyang itaguyod kaming lima

Madalang na din namin siyang nakikita

Hanggang sa hindi na namin siya ulit nakita.

Sabi ng iba, “Sumama na sa iba para makatikim ng sagana!”

Sabi ng isa, “Ibinenta ng amo, doon sa bansang puro Arabo!”

Sabi ko naman habang nagtatagis ang bagang,

“Bakit mahirap na nga kami’y lalo pang pahihirapan?”

At ngayon sa aking mga mata

Ay nakatatak na lang ang dating pamilyang masaya

Nagpapanggap na iyon pa rin ang nakikita sa tuwing pagmamasdan ko kaming lima.

Hanggang dito na lang siguro ang resulta ng aming pakikibaka

At nang lahat ng naghihirap sa bansang nangangako ng ginhawa

Sa mata ng ulila ay may tapang

Na haharapin kahit ano pa ang dala ng bukas.

Sa mata ng ulila ay may poot

Dahil sa husisyang hindi na nakamit

Higit sa lahat, sa mata ng ulila

Ay masasalamin ang lungkot at takot

Na baka isang araw, siya naman ang pagdamutan ng ginhawa sa bayang inaasam ang pag-asa. 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s